Tuesday, December 2, 2008

FIL 25 paper no. 2 (part 1) ALAMAT NG NGIPIN: ALAMAT NG PULANG NGIPIN


Nagdadalaga na si Nimpa. Tinutubuan na siya ng pimples at nagsisimulang umumbok ang kanyang harapan. Sa makalawa, ipagdiriwang na niya ang ika-13 kaarawan. Gaganapin na ang kanyang kinatatakutan niyang ritwal ng pagtitinta ng ngipin. Sa seremonyang ito, habang nginunguya ang nganga, bababa si Daugbulawon – ang diyosa ng kagandahan – upang sumanid at gisingin ang kaluluwang natutulog sa murang katawan ni Nimpa.

Kung naiintidihan lang ni Nimpa ang mahabang kasaysayan at kahalagahan ng ritwal na pagnganganga sa kanilang kultura, marahil, hindi na siya aalma pa. Ang pagnganganga o betel nut chewing ay isang kaugalian ng pagnguya ng bunga ng areca at apog na nakabalot sa dahon ng ikmo. Pinaniniwalaang nagsimula ang tradisyon ito 4,500 hanggang 5,000 taon na ang nakararaan. Ayon kay Rosa Magno-Icagasi, isang iskolar ng araling pansining, laganap ang pagnganganga sa lahat ng etnolingwistikong grupo – mula Batanes hanggang Tawi-Tawi, sa kabundukan at kapatagan, sa lipunan ng mga Kristiyano at Muslim, at gayundin sa mga tribong animistiko.

Ayon sa mga alamat, isang sagradong pamana ng mga diyosa ang ritwal ng pagnganganga. Dahil sa mayamang mitolohiyang bumabalot dito, naging sentro ito ng pamumuhay ng mga katutubong Pilipino. Lahat ng gawaing panlipunan tulad ng kasalan, lamay, paglilitis o pagpupulong ay nagsisimula at nagtatapos sa pagnganganga. Noong sinaunang panahon, maaring maubusan ng bigas o mais ang isang pamilya ngunit hindi kailanman ang nganga.
Masusukat ang kahalagahan ng pagnganganga sa lipunan ng mga katutubo sa paggamit nito sa wika, ayon din kay Magno-Icagasi. Mahahanap ang terminolohiyang ito sa iba’t ibang anyo ng panitikan—tulad ng bugtong, kasabihan, at alamat – saan mang lugar ng Pilipinas. Sa katunayan, mas marami pang salita tungkol sa nganga kaysa sa bigas, buko, at mais. Makikita rin ang nganga sa mga alamat ng mga Tiruray, Manobo, Bagobo, Hanunoo at sa mga kasabihan ng mga Pangasinanense, Tagalog, Kalinga, at Yakan.


Tunay ngang tradisyon na ang paggamit ng nganga sa iba’t ibang grupo ng tao sa Pilipinas; lalo pa akong namangha sa impormasyon na sa mga pamilya noong unang panahon ay gayun na lang ang pagbibigay importansya nila rito-mas mahalaga sa pagkain. Natatandaan ko, sabi ng aking lola- gumagawa sila dati ng nganga. Ito ay hanapbuhay ng kanilang nanay na ipinamana sa kanya. Mabiling mabili daw ang nganga dati sapagkat wala naman silang toothpaste, ngumunguya ang mga tao ng nganga upang patibayin ang kanilang mga ngipin. Hindi man nakakaputi ng ngipin, sa katunayan ay nagiging mapula pa nga ang mga ito, nakakatulong ito sa pagtagal o iwas sa pagkabungi ng kanilang mga ngipin.

Dati ay mayroon pa akong nabasa na ang nganga ay status symbol. Partikular ito sa mga Igorot, kung ang iyong katungkulan ay mas mataas, mas madalas gumamit ng nganga o sila lang talaga ang gumagamit nito. Hindi nga lang ako sigurado kung hanggang ngayon ay ipinatutupad ito.

Ang nganga ay hindi lamang biyaya ng mga mitolohikong figures na gaya ng nabanggit sa itaas, kundi naging tradisyon ito sa maraming Pilipino sa mga henerasyong nagdaan, sapagkat ito para sa kanila ay hanapbuhay, pagpapakita ng estado sa buhay at hindi man nila nalalaman, pagpapatunay na ang mga tao noong unang panahon ay may kaalaman na sa dental hygiene. Isa pa ay ang pagiging “ingenious” nila. Maganda ang pagkakaroon ng ganitong tradisyon at kultura ng pagnganganga sapagkat dito nabubuhay ang mga nakakamanghang kaugalian ng Pilipino. Ngunit, unti-unti na natin itong nakakalimutan lalo na sa aming henerasyon bunga ng globalisasyon at hegemony ng mga karatig na super powers. Sana naman ay huwag tayo magpadala rito at hindi natin makalimutan ang kulturang ito sapagkat ito ay nagpapakita at nagpapatingkad ng ating pagiging Pilipino. Hindi man natin ginagawa ang pagnganganga ngunit ang simpleng pagkakaroon ng alam ukol dito at pagkukwento nito upang mabigyang buhay ang tradisyon ay higit na nakakatulong.

No comments: